Tuloy-tuloy na ang idineklarang red-alert ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa magnitude 6.7 na lindol na tumama kagabi sa Abra, sa pumasok na Bagyong Paeng at dahil sa long weekend bunsod nang paggunita ng bansa sa Undas.
Ito ang inihayag ni NDRRMC Spokesperson Asec. Raffy Alejandro sa press briefing ngayong hapon.
Ayon kay Asec. Alejandro tuloy-tuloy ang assessment ng pamahalaan at pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol.
Pinaghahandaan na rin ang inaasahang pananalasa ng Bagyong Paeng na ang tatahakin ay ang mga lugar na sinalanta rin ng mga nagdaang Bagyong Maymay, Neneng at Obet.
Sinabi pa ni Alejandro na ngayon pa lamang ay inabisuhan na ng NDRRMC ang kanilang mga regional offices sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo na magsagawa ng kaukulang paghahanda.
Samantala, nakahanda na rin ang gobyerno sa paggunita ng Undas lalo na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang matiyak na magiging maayos at mapayapa ang paggunita nito ngayong taon.