NDRRMC, tiniyak na mayroong contingency plan sakaling lumalala ang sitwasyon sa Bulkang Taal

Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na handa ang pamahalaan sakali mang lumala ang sitwasyon ngayon sa Bulkang Taal.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na lahat ng natutunan ng gobyerno mula sa aktibidad ng Taal noong 2020 at 2021 ay kanila nang naa-apply ngayon.

Ani Timbal, mayroong contingency plan para sa Taal emergency kung kaya’t sapat ang suplay ng mga pagkain at iba pa para sa mga inilikas na mga residente.


Siniguro pa nito na lahat ng assets maging ang karagdagang tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection ay nakahandang i-deploy anumang oras kung kakailanganin ng sitwasyon.

Maging ang Department of Health at Department of Social Welfare and Development ay nakahandang magbigay ng suporta para sa health concerns ng ating mga kababayan.

Sa ngayon, base sa pinakahuling datos ng NDRRMC mayroong 3,771 katao o katumbas ng 1,142 pamilya ang inilikas sa tinaguriang high risk areas at kasalukuyang nananatili sa 17 mga evacuation center.

Facebook Comments