NDRRMC, tiniyak na natutugunan ang panawagan ng mga LGU para sa rescue operations

Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na natutugunan nito ang mga panawagang tulong ng mga Local Government Unit (LGU) para sa pag-rescue ng mga residenteng stranded dahil sa baha.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Mark Timbal na kanina pang madaling araw nang mag-deploy sila ng rescue boats sa ilang bayan sa Rizal para sagipin ang mga residenteng nasa bubungan na kanilang mga tahanan.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa kanilang response cluster para makapagpadala ng rescue team sa Marikina at iba pang lugar na binaha dahil sa Bagyong “Ulysses”.


Pero ayon kay Timbal, ang sitwasyon ngayon ay hindi kagaya ng sitwasyon noong nanalasa ang Bagyong Ondoy.

Naging mabilis lang aniya ang pagtaas ng baha dahil sa sunod-sunod na pagtama ng malalakas na bagyo.

Samantala, tiniyak din ng Philippine Coast Guard (PCG) na may sapat silang bilang ng tauhan at kagamitan para makapagsagawa ng rescue operations sa Metro Manila at kalapit-probinsya.

Facebook Comments