NDRRMC, umapela sa DBM ng karagdagang pondo para tulungan ang mga biktima ng Bagyong Rolly

Nakiusap ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng karagdagang quick response funds (QRF) para matulungan ang mga local government units (LGUs) na sinalanta ng Bagyong Rolly.

Ayon kay NDRRMC Chairperson, Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang ₱6.8 billion QRF na inaprubahan ng DBM sa limang national government agencies (NGAs) para sa taong 2020 ay malapit nang masaid matapod tumama sa bansa ang limang bagyo sa bansa nitong Oktubre.

Kabilang sa mga nabigyan ng QRF ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Office of Civil Defense (OCD) sa ilalim ng Department of National Defense (DND), Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA).


Dagdag pa ni Lorenzana, may isa pang bagyo na si ‘Siony’ ang nagbabadyang mag-iwan ng pinsala pagkatapos ng Bagyong Rolly.

Paalala ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa mga LGUs na maaari nilang gamitin ang kanilang calamity fund at QRFs para tulungan ang mga apektadong residente sa kanilang lokalidad.

Maaari din silang mag-realign ng budget mula sa ibang proyekto kapag sila ay nasa state of calamity.

Pagtitiyak ng NDRRMC na maghahanap sila ng pondo sa ilalim ng quick response fund ng OCD at calamity fund ng NDRRMC sa mga LGU na naubos na ang kanilang QRFs.

Facebook Comments