Binigyang-pugay ng mga dati at kasalukuyang Senador ang pumanaw na dating senate president na si Aquilino “Nene” Pimentel.
Isinagawa ang necrological service para kay Tatay Nene sa Senado kaninang alas-10:00 ng umaga kung saan matatandaan na sumakabilang buhay ang itinuturing na ama ng Local Government Code noong linggo ng umaga dahil sa sakit na Lymphoma at Pneumonia.
Ipinaabot din ng Senado sa pamumuno ni Senate President Tito Sotto sa pamilya Pimentel ang Senate Resolution Number 17 na nagpapahayag ng pakikidalamhati kung saan nakasaad din sa resolusyon ang mga nakamit at nagawang panukala ni Tatay Nene habang nasa posisyon ito.
Kabilang sa mga nagbigay ng kani-kanilang eulogy ay ang mga nakasamang Senador noong 8th Congress ni Tatay Nene na sina Heherson Alvarez, Nikki Coseteng, Rene Saguisag, Jose Lina Jr. at Orly Mercado.
Kapwa nila inilahad ang mga ginawang pakikibaka ni Tatay Nene para makamit ang demokrasya noong panahon ng rehimeng Marcos.
Naging madamdamin naman ang eulogy nina senator Risa Hontiveros, Senator Pia Cayetano, Senate President Tito Sotto at anak na si Senator Koko Pimentel.
Kabilang din sa dumalo sa pagbibigay pugay kay Tatay Nene ay sina dating Pangulo at dating Mayor ng Maynila na si Erap Estrada, dating Vice President Noli De Castro kasama na ang mga maybahay ng ilang Senador at malalapit na kaibigan.