Inirekomenda ng National Economic and Development Authority (NEDA) kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa buong bansa simula March 1, 2021.
Ang panukalang nationwide MGCQ at pagluluwag sa stay-at-home rule ay mga rekomendasyon ng NEDA sa Pangulo para mabalanse ang ekonomiya at public health.
Ayon kay Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, ang mga taong may edad lima hanggang 70-taong gulang ay dapat pinapayagan nang lumabas ng kanilang bahay.
Mahalagang maaprubahan ng Pangulo ang kanilang rekomendasyon para matugunan ang tumataas na bilang ng mga nagugutom at mapalakas muli ang ekonomiya.
Binanggit din ni Chua na aabot sa ₱1.04 trillion ang nawalang income ng gobyerno dahil sa pagpapatupad ng mahigpit na lockdown mula pa noong March 2020.
Kung kinakailangan, sinabi ni Chua na magpatupad na lamang ng localized lockdown para mapigilan ang viral transmission sa barangay o municipal level.
Bukod dito, inirekomenda din ni Chua kay Pangulong Duterte na itaas ang capacity ng pampublikong transportasyon mula 50% patungong 75% upang maraming tao ang makapapasok sa kanilang trabaho, pero mayroon pa ring health protocols para sa mga pasahero.
Napansin din ni Chua ang kakulangan ng provincial buses para sa mga manggagawang uuwi sa kanilang mga lalawigan.
Bukod dito, isinusulong ding ng NEDA ang “active transport support” tulad ng bike lanes.
Sa huli, suportado ng NEDA ang panukalang ibalik ang pilot study ng face-to-face classes sa low risk areas.