Kumpiyansa ang National Economic and Development Authority o NEDA na kaya pa ring makamit ang target na dalawa hanggang apat na porsyentong inflation rate sa pagtatapos ng taong ito.
Ito ay sa kabila nang pagbilis na namang inflation rate nitong Agosto na naitala sa 5.3% kumpara sa 4.7% lamang nitong nagdaang Hulyo ng kasalukuyang taon.
Ayon kay NEDA Secretary Arsenio Balisacan, mas palalakasin ng gobyerno ang mga hakbang para masigurong ang food security, maprotektahan ang mga consumer at makapagbigay ng ayuda sa mga magsasaka.
Paliwanag ni Balisacan na ang dahilan ng pagbilis ng inflation ay dahil sa pagtaas pa ng presyo ng pagkain lalo na sa bigas at gulay.
Ilan namang dahilan ayon kay Secretary Balisacan sa pagtaas ng presyo ng pagkain at bigas ay ang matitinding sama ng panahon kaya naman bumaba ang produksyon.
Gayundin ang mga insidente ng hoarding at mga espekulasyon ng mga negosyante na nagdudulot ng pressure sa presyo ng domestic retail rice prices.
Kaya naman binigyang diin ni Balisacan ang pangangailangang mabigyan ng komprehensibong tulong ang mga magsasaka ng bigas at gulay para mapataas ang kanilang produksyon.