Cauayan City, Isabela- Inaalam na ngayon ng Cauayan City Police Station ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na sinasabing isang pulis na inirereklamo ng isang negosyante sa Lungsod ng Cauayan.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, sinabi ng biktimang si Joel Diaz, may-ari ng tindahan na may isang lalaki ang bumili ng sigarilyo sa kanyang pwesto.
Wala umanong pambarya si Diaz sa isang libong (Php1,000) pera ng lalaki hanggang sa umalis at bumalik din ang ito at inilapag ang isang libo na pera.
Dito na aniya nagbitaw ng mga masasakit na salita ang bumibiling lalaki sabay bunot ng kanyang baril at ipinakita kay Diaz.
Sinabi din umano ng lalaki na siya ay isang pulis at agad na umalis patungong Timog na direksyon sakay ng motorsiklong may plakang BF 43323.
Ayon sa mga imbestigador ng pulisya, ipapaberipika nila ito sa kinauukulan upang mabatid kung kanino nakaregistro at malaman ang pagkakakilanlan nito para masampahan ng kaukulang kaso.