Negosyante, Kulong sa Pagtutulak ng Droga!

*Tuguegarao City, Cagayan-* Timbog ang isang negosyante sa ikinasang drug buy bust operation ng pinagsanib na pwersa ng PNP Tuguegarao at PDEA Region 02.

Nakilala ang suspek na si Harold Peter Manio, 37 anyos, may asawa at residente ng Sultan Kudarat St. San Gabriel, Tuguegarao City.

Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, nagpositibo ang inilatag na transaksyon ng mga otoridad laban kay Manio kung saan isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakuha ng isang poseur buyer mula sa suspek na nagresulta sa pagkadakip nito.


Nakuha rin mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang libong piso na marked money, cellular phone at isang motorsiklo.

Sa ngayon ay nakapiit na sa PNP Tuguegarao ang suspek habang nasa pag-iingat na ng PDEA Region II ang mga nakumpiskang droga.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments