Negosyante (na may Kasamang Tsiks), Nag-Check-in sa Hotel sa Naga City, Natuklasang Patay

Patuloy ang imbistigasyon ngayon ng Naga City Police Office kaugnay ng pagkamatay ng isang indibidwal na di-umano’y isang negosyante na natagpuang wala ng buhay sa loob ng isang hotel sa Naga City.
Sa report ng pulisya, bandang alas 9:30 ng umaga noong January 16, 2019, nag-check-in sa Moraville Hotel sa Matiway, Barangay San Felipe, Naga City ang isang lalaking kinilalang si Salvador Decena y Salva, edad 74, at residente ng Barangay Sagrada, bayan ng Bula sa Camarines Sur.
Si Decena ay may kasamang babae nang mag-check-in sa nasabing hotel.
Ayon sa imbistigasyon, bandang alas 11:30 ng tanghali, napag-alaman na umalis na sa nasabing kwarto ang babaeng kasama ni Decena.
Lumipas ang mga oras at bandang alas 6:30 na ng hapon, tinawagan ng room attendant ang phone ng room kung saan naka-check-in si Decena.
Walang sumasagot. Tahimik ang kwarto.
Ang katahimikan sa loob ng kwartong inukupa ni Decena ay nagbunsod sa staff ng hotel na si Jemaine Guadalupe y Bautista na buksan ang Room # 7.
Tumambad sa kanya ang hubad na katawan ni Decena, nakaupo sa sahig at nakasandal ang kanyang ulo sa gilid ng kama. Wala ng buhay ang 74 anyos na si Decena.
Kaagad namang dinala sa ospital ang biktima, subalit dineklarang wala na itong buhay matapos check-upin ni Naga City Health Officer Dr. Vito Borja.
Inaalam pa ng pulisya kung sino ang babaeng kasama ni Decena nang mag-check-in sa nabanggit na hotel kung saan nalaman na umalis ang babae bandang alas 11:30 ng umaga, dalawang oras matapos silang magkasama sa loob ng Room # 7.
Kasama mo sa balita, RadyoMaN Paul Santos, Tatak RMN!

Facebook Comments