Nakaisip ng kapana-panabik na pakulo ang isang jewelry store owner sa Michigan, USA bago tuluyan magretiro — ang maglunsad ng malawakang treasure hunt.
Matapos ang 23 taon sa negosyo, nagpilitan si Johnny Perri na isara na ang J&M Jewelers dulot ng COVID-19 pandemic, ayon sa ulat ng WJBK-TV nitong Miyerkules.
Kaya naman napag-usapan nila ng misis na si Amy na ibaon at ikalat na lang ang lahat ng kanilang mga alahas sa buong Michigan.
Nilibot ng mag-asawa ang estado at naibaon ang $1 million (P50 mil) sumatotal na halaga ng silver, gold, diamonds, at rare coins.
“We went through waterfalls, streams, we kayaked everywhere,” ani Perry.
Nawalan man sila ng kita sa negosyo, babalik naman ang pera sa pamamagitan ng ticket na ibebenta sa mga interesadong makilahok sa “Treasure Quest”.
Limitado lang ang ticket sa kada quest na mayroong $4,000 (P200,000) halaga ng alahas.
“You follow the riddle, you got a little wit, a little adventure in you, you’ll find it quick. I don’t expect it to go more than a week,” udyok ni Perry.
Nilagyan niya rin ng GPS device ang bawat nakabaong kayamanan upang mabantayan kung sakaling may kumuha nito.
“Giving people adventure is giving them something to believe in again, besides this COVID crap,” saad ng jeweler.
Sisimulan daw ni Perry ang paglalabas ng clue sa simula ng buwan ng Agosto.