NEGOSYANTE, NASAWI SA PANANAKSAK NG TATLONG KAKILALA

Nasawi ang isang negosyante matapos pagtulungang bugbugin at saksakin ng tatlong lalaki sa Brgy. Magtaking, Bugallon, Pangasinan.

Ayon kay PLt. Darius Cabotaje, Deputy Chief of Police ng Bugallon Police Station, pawang mga kakilala at kabarangay ng biktima ang tatlong suspek.

Nagsimula umano ang insidente nang sapilitang pasukin ng mga suspek ang bahay ng biktima at pilit siyang pinapalabas.

Pagkalabas ng biktima, agad siyang pinagtulungang bugbugin at sinaksak.

Naawat lamang ang insidente ng isa pang kakilala na noon ay kausap ng biktima sa harap ng kanyang bahay bago ang pananaksak.

Agad na isinugod ang biktima sa pagamutan ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Tumakas ang mga suspek matapos ang insidente ngunit kalaunan ay naaresto rin ng mga awtoridad sa pamamagitan ng hot pursuit operation.

Patuloy na iniimbestigahan ang motibo sa krimen, habang nasa kustodiya na ng Bugallon Police Station ang mga suspek na posibleng maharap sa kasong murder. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments