Negosyante, Patay sa Riding in Tandem

Cauayan City, Isabela- Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng riding in tandem dakong alas 6:00 ngayong umaga sa barangay Marana 1st, City of Ilagan, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Manuel Camungao, 44 taong gulang, may asawa, owner ng junkshop at residente ng Purok 1 Brgy. Sta. Victoria sa Lungsod ng Ilagan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Ilagan City Police Station, bumabaybay ang biktima sa pambansang lansangan sa bahagi ng barangay Marana 1st lulan ang minamanehong truck at nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay biglang sumulpot ang dalawang (2) kalalakihan na sakay ng puting motorsiklo at pinagbabaril ng maraming beses ang biktima.


Nagawa pang bumaba ng truck at makatakbo ang biktima subalit sinundan siya ng mga suspek at pinagbabaril sa ulo na sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Agad namang tumakas patungong South direction ang mga suspek na may suot na helmet matapos ang krimen.

Inalerto naman ng PNP Ilagan ang mga karatig na hanay ng pulisya sa Isabela para sa posibleng pagkakahuli ng riding in tandem suspects.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ang ginagawang malalimang imbestigasyon ng kapulisan para sa motibo, pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga suspek.

Facebook Comments