Negosyante, Timbog sa Pagbebenta umano ng Illegal Drugs

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang negosyante dahil umano sa pagbebenta ng iligal na droga sa Ramon, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, kinilala ang suspek na si Ernesto Flores, 32-anyos, may-asawa at residente ng Planas, Ramon, Isabela.

Dinakip ang suspek ng mga tauhan ng pinagsanib na pwersa ng PDEA region 2, PDEA Quirino at Ramon Police Station sa ikinasang drug buy-bust operation dakong alas-10:45 kagabi sa Brgy. San Antonio sa naturang bayan.


Naaktuhan umano ang suspek na nagbebenta ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 0.80 grams sa umaktong poseur buyer na ahente ng PDEA.

Nakumpiska sa suspek ang buy-bust money, cellphone at motorsiklo.

Nabatid na kabilang sa Municipal Target Listed Drug Personality sa bayan ng Ramon ang suspek.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Ramon si Flores at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.

Facebook Comments