Manila, Philippines – Hindi muna tuloy ang pag-iisyu ng warrant of arrest sa negosyanteng si Jaime Dichavez na naging kapwa akusado ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kasong plunder.
Dininig ng Sandiganbayan 7th division ang urgent motion ni Dichavez na humihiling na atasan ang prosekyusion na tukuyin kung alin sa tambak na ebidensiya laban sa kanya ang basehan ng pagtukoy ng probable cause sa kanyang kaso.
Hiniling ni Dichavez sa korte na bigyan siya ng pagkakataon na magkomento sa isyu kung nararapat siyang isyuhan ng mandamyento de aresto base sa mga ebidensiya ng prosekyusion.
Sa ginawang pagdinig kanina, binigyan ng korte ang prosecutors na magsumite ng komento sa mosyon ng negosyante habang si Dichavez naman ay binigyang ng labing limang araw para tumugon dito.
Si Dichavez ang umako na may-ari ng Jose Velarde bank account na ibinintang noon na pag-aari ni dating Pangulong Estrada at kung saan idineposito ang salaping sinasabing dinambong noon ng dating Pangulo.