Negosyong Patahian, Posibleng malugi sa papalapit na Pasukan

Cauayan City, Isabela- Ikinalungkot ng ilang negosyante ng maliliit na patahian o tailoring store sa Lungsod ng Cauayan ang kanilang pagkalugi sa negosyo dahil sa walang ipatutupad na face-to-face learning sa darating na pasukan sa Agosto 24.

Ayon kay Ginoong Amado ‘Popoy’ Gonzales ng ‘Marc Chu Hatak Hatak Dress Tailoring’, halos 90% ang mawawala sa kanilang kinikita kumpara sa normal na sitwasyon na walang nararanasang krisis.

Aniya, ilan kasi sa malaking kita nila ay ang pagtatahi ng mga uniporme ng mga mag-aaral subalit dahil nga sa karamihan ay online classes ang posibleng maipatupad sa pasukan ay tiyak ang kanilang pagkalugi sa negosyo.


Paunti-unti nalang din aniya ang kanilang pagtanggap ng mga tahi dahil ang ilan naman ay paisa-isa lang din kung magparepair gaya ng mga pantalon.

Bukod dito, tanging pag-asa lang din nila ang pagsapit ng pasko dahil sa inaasahang magpapagawa ng mga damit ang ilang paaralan para sa pagdiriwang ng nasabing okasyon subalit hindi pa rin tiyak kung hanggang kalian ang ganitong banta ng virus.

Sa ngayon, nananawagan din ito sa Lokal na Pamahalaan sa pagbibigay ng kaunting tulong para maibsan ang kanilang pagkalugi sa negosyo.

Facebook Comments