Humingi ng tawad ang isang netizen na nagkomento online na iba umano ang lumabas na resulta sa resibo ng vote counting machine sa Precinct No. 21 ng Anunas Elementary School sa Angeles City, Pampanga.
Ito ay matapos makarating sa principal ng paaralan na si Edweneto Bongo ang post ni Malou Catandijan ngunit napag-alaman na hindi pa pala nakaboto ang ginang nang sabihing may daya ang Voters Counting Machine (VCM).
Dahil dito ay sumulat ng isang sworn statement ang ginang sa presensiya ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Department of Education (DepEd) Supervisor Official na si Nadine Manio at mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) na nagsasabing tama ang inilabas na resulta ng resibo matapos niyang makaboto.
Sa kabila nito ay iniimbestigahan pa rin DepEd ang naturang insidente.
Nagpaalala naman ang Commission on Elections (Comelec) na maging responsible sa paggamit ng social media upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon.