Netizen na nag-post ng ‘staged photo’ ng Angel’s Burger, kinasuhan ng cyberlibel

Sinampahan ng kasong cyberlibel ng pamunuan ng Angel’s Burger ang isang netizen matapos umanong mag-post ng “staged photo” ng isang hamburger na may barya sa loob.

Mabilis kumalat ang malisosyong larawan sa Facebook, kung saan may caption itong “unang kagat may sukli agad”na unang ibinahagi noong Mayo 30, 2019. Lumitaw ulit sa social media ang post nitong Mayo 29 nang kasalukuyang taon.

Batay sa inihaing reklamo ng Angelica DL Mojica Corporation, na siyang nagmamay-ari ng Angel’s Burger, ang mapanirang retrato ay madaling ma-access at makita ng sinumang gumagamit ng internet.


Umabot daw sa 39,000 Facebook users ang nag-share ng mapanlinlang retrato. Kaagad naman natukoy ng kompanya kung sino ang orihinal na nag-post.

Sa isang pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ni Atty. Gabriel Ablola na idinemanda ng korporasyon ang hindi pinangalanang netizen para mabigyan ng proteksyon ang kanilang franchisees sa buong Pilipinas.

“This cyberlibel case was filed to protect interests of small business owners of over 1,000 franchisees of Angel’s Burger kiosks nationwide, especially now when these entrepreneurs are suffering from the impact of the Covid-19 pandemic and community quarantines,” saad ni Ablola.

Facebook Comments