Bumilib ang mga netizens sa nakamamanghang ayos ng silid-aralan na ginawa ng isang guro mula sa Victoria, Tarlac.
Maliban sa paglilinis, pagpipintura ng dingding, o pagkukumpuni ng sirang mesa at upuan na madalas ginagawa tuwing Brigada Eskuwela, nanahi ng mga padded seat cover si Mrs. Merlita Geronimo Narne ng Balayan Elementary School.
Handog niya ito sa kanyang mga estudyante sa Hunyo 3, unang araw ng pasukan.
Sa larawang ipinakita ni Barne, mapapansin ang mga binihisang upuan na may foam at covered armchair.
Dalawang dekada nang nagtuturo si Narne at inspirasyon niya ang mga pinagdaanan nung nag-aaral pa siya. Galing sa sariling bulsa ang ilang pundang ginamit at ang iba naman ay binigay sa kanya. Maging ang pinakamamahal na asawa, hindi nagdalawang isip tulungan si Ma’am.
Para sa ulirang guro, bahay ang turing niya sa mga silid-aralan. Buong puso at lakas ang kanyang inialay upang mapaganda ito. Hangad niya na maging komportable ang mga mag-aaral.