Israel – “Never again.”
Ito ang simula ng mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang paglagda sa guest book sa memorial ng mga batang namatay sa Holocaust sa Yad Vashem Holocaust Memorial Center.
Ang Yad Vashem ay isa sa mga Holocaust Memorial Center sa buong mundo na siyang nagsisilbing ala-ala ng 6 na milyong Jew, bata, matanda, babae, lalaki, na pinatay ng German Nazi sa pangunguna ni Adolf Hitler.
Sa dedikasyon na isinulat ng Pangulo ay sinabi nito na sanay maging aral para sa sangkatauhan ang kalunos-lunos na bahagi na ito ng kasaysayan ng mundo.
Sana aniya ay manatiling bukas ang puso ng bawat tao sa buong mundo at matuto ang lahat na magkaisa at magtulungan patungo sa pagbibigay ng ligtas na pagsisilungan para sa mga taong inuusig sa kanilang sariling bayan o nang sinoman.
Kasama ni Pangulong Duterte sa pag-iikot sa memorial center ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte at ang ilang gabinete ni Pangulong Duterte.