*CAUAYAN CITY, ISABELA- *Kinumpirma ni ginoong Romy Santos, ang media Consultant ng Pamahalang Panlalawigan ng Isabela na suspendido na ang klase ng mga mag-aaral sa lahat ng antas ng mga pampubliko at pribadong paaralan bukas hanggang araw ng biyernes.
Ito ay matapos pagpasyahan nina Vice-governor Antonio “Tonypet” Albano at lagdaan ni Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III ang Executive Order na wala nang pasok sa lahat ng paaralan simula bukas, Sept. 13, 2018 hanggang sa biyernes, Sept 14, 2018.
Habang ang mga empleyado naman sa mga government agencies at pribadong tanggapan ay suspendido rin mula bukas ng hapon subalit dipende pa rin ito sa desisyon ng pamunuan ng mga nasa pribadong tanggapan kung magsususpinde ng hapon samantalang sa araw ng biyernes ay suspendido na sa lahat ng mga pampubliko at pribadong tanggapan sa Isabela.
Ito ay upang makapamili pa ang iba pang mga mamamayan upang makapag-imbak ng mga pagkain at makapaghanda na rin sa pananalasa ng bagyong Ompong.
Sa ngayon ay nasa moderate na kalagayan ang alon sa mga coastal towns ng Isabela at nabigyan na rin umano ang ilan sa mga coastal towns ng mga relief goods.
Samantala, Mahigpit ngayon na ipinapatupad ng mga otoridad sa buong lalawigan ng Isabela ang “No sail, No Fishing Policy” lalo na sa mga coastal areas gaya ng Divilacan, Dinapigue, Palanan at Maconacon.
Dagdag pa rito ay pinag-iingat rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang publiko na maging alerto at paghandaan ang bagyong Ompong.