NFA, ‘Di Maapektuhan ng Rice Tarrification Law- ANAC-IP Rep. Jose Panganiban Jr!

*Cauayan City, Isabela- *Iginiit ni Congressman Jose “Bentot” Panganiban Jr., ANAC-IP Partylist Representative  na hindi maapektuhan ng Rice Tarrification Law ang National Food Authority (NFA).

Sa panayam ng RMN Cauayan kay ANAC-IP Partylist Representative Jose “Bentot” Panganiban Jr., hindi mabubuwag ang NFA sa pagbili ng mga palay subalit hindi na anya ito maaaring mag-import ng bigas dahil tututukan na lamang ang pagbili sa palay ng mga local na magsasaka.

Aniya, pinag-aralan nila ito ng mabuti kung paano mapapababa ang presyo ng bigas at mabigyan ng tamang subsidiya ang mga magsasaka kaya’t kanilang umanong titiyakin na maibibigay sa mga farmers ang kanilang makukuhang taripa mula sa mga aangkating bigas sa kalapit na bansa sa Southeast Asia.


Hindi rin anya malulugi ang mga magsasaka sa nasabing batas dahil kung sakaling bababa man ang presyo ng palay kung bumaba naman ang production cost nito ay mayroon pa rin aniyang kita ang mga local farmers.

Mas magiging produktibo rin anya ang mga magsasaka dahil magkakaroon ang mga ito ng mga bagong equipment, subsidiya mula sa gobyerno at murang interes na pautang.

Giit pa ng nasabing Congressman na magiging maganda ang nasabing batas kung mababantayan at maipapatupad ito ng maayos.

Pinayuhan din nito ang NFA na kung nais anya na pag-ibayuhin ang kanilang global procurement ay dapat nilang dagdagan ang kanilang mga tauhan sa mga kabayanan upang mangasiwa sa mga local farmers.

Facebook Comments