Dumipensa si National Food Authority (NFA) Administrator Atty. Judy Carol Dansal sa hindi matigil-tigil na reklamo ng mga magsasaka na hindi umano nila nararamdaman ang ginagawang pamimili ng palay ng ahensya ngayong peak harvest season.
Sa virtual presser ng DA, sinagot ni Dansal ang mga concerns mula sa Camarines Sur at Pangasinan kung saan nanggagaling ang mga reklamo.
Aniya, on-going ang palay procurement nila sa Daet at nakapamili na sila ng mahigit 60,000 bags.
Ganito rin aniya ang nangyayari sa Lingayen, Pangasinan.
Namimili aniya sila ng palay sa buong bansa sa halagang ₱19 per kilo sa 14 percent moisture content.
Payo ni Dansal, tumawag o makipag-ugnayan sa kanilang field offices para malaman kung saang buying stations pupunta o kaya ay kukuhanin mismo ng taga NFA kung wala silang sariling sasakyang panghakot.
Aminado naman si Dansal na hindi nila kayang luwagan pa ang standard sa moisture content dahil mahalaga ito sa buffer stocking ng ahensya.
Humihirit si Dansal sa Department of Agriculture (DA) na tustusan ang pagtatayo ng mas maraming drying facilities upang mabili ang lahat ng ani ng mga magsasaka.
Hindi rin aniya kalutasan sa problema ang pagbuwag sa Rice Tariffication Law dahil unti-unti nang nararamdaman ang mga naibibigay na tulong sa agri-sector ng RCEF fund.