Tinanggap na ng National Food Authority (NFA) na sila ay malulugi ngayong may problema sa presyo ng bigas sa bansa.
Kung maaalala, dumadaing ang mga magsasaka na bagsak presyo ng palay habang mahal naman ang bili ng publiko ng bigas sa merkado.
Ayon kay Judy Carol Dansal, administrator ng NFA susunod sila sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na baling malugi basta huwag lang maapi ang masa nang dahil sa mahal na bigas.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng NFA kung uubra ba kung 20 pesos nila bibilhin ang palay sa magsasaka habang 25 pesos naman ang presyo nila ng bigas sa NFA retailer.
Kasabay niyan aasa na lang aniya ang NFA sa karagdagang pondo na ipagkakaloob sa kanilang tanggapan at iba pang subsidiya.
Samantala, tiniyak ng NFA na hindi sila magpapabaya sa pag-iimbak ng bigas upang may magamit kung sakali man na may tumamang kalamidad sa bansa.