Hindi bumibili ang National Food Authority (NFA) ng mga post-harvest facilities para sa mga magsasaka sa bansa.
Ito ang ipinahayag ni NFA administrator Judy Carol Dansal kasunod ng napaulat na ang NFA ay bumili ng mga bagong post-harvest facilities pero depektibo at hindi magamit.
Anya ang post-production ay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa ilalim ng Rice Tariffication Law.
Sa ilalim ng batas, inilaaan ang P5 billion o 50 percent ng annual P10-billion Rice Fund para sa pagbili ng post-harvest facilities.
Ito ay ipamamahagi sa mga farmer cooperatives ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) para makatulong sa farm mechanization at mapadami ang ani ng mga magsasaka.
Nilinaw din ni Dansal na bagamat ang NFA ang kasalukuyang nagmamantine ng mga post-harvest facilities tulad ng warehouses, dryers at rice mills para suportahan ang buffer stocking requirements, hindi ang NFA ang bumibili nito.
Kaugnay nito, iniulat ni Dansal na ang NFA ay kasalukuyang umuupa ng dagdag na warehouses para mapaglagyan ng mas madaming imbak na palay ngayong 2019 para maipatupad ang kanilang mandato sa buffer stocking.