Sinimulan na ng National Food Authority (NFA) ang pagpapadami ng supply ng bigas sa imbentaryo nito bilang paghahanda sa tinatawag na ‘lean months’ na magsisimula sa Hulyo hanggang Setyembre.
Ayon kay NFA Administrator Judy Carol Dansal, mahalagang maparami ang supply ng bigas sa mga bodega habang maganda pa ang panahon kung saan maaari pang magbiyahe ng stocks sa iba’t-ibang rehiyon at island provinces.
Bukod dito, nagsasagawa na rin ang NFA ng calibration sa paglalabas ng bigas sa mga local government unit (LGU) at relief agencies para makatuon sa rice dispersal operations, at matiyak na ang buffer stocks ay maayos na naihahatid kung kailangan.
Sinabi ni Dansal na nagbigay na ng go signal ang Inter-Agency Task Force (IATF) para i-rationalize ang paglalabas ng bigas para sa food pack distributionsa mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Dansal, maaaring kumuha direkta ang mga LGU at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kanilang rice requirements para sa relief operations sa mga magsasaka, farmer cooperatives o sa commercial rice traders.
Mula January 1 hanggang May 9, ang total rice sales ng NFA na 6.598 million bags ay 71% ng total rice distribution target na nasa 9.259 million para sa taong 2020.