Handang magpaliwanag ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay sa nararanasang rotational brownout sa Luzon.
Kasunod ito ng pangangalampag ng Department of Energy (DOE) sa NGCP dahil sa kawalan ng backup supply ng kuryente kasabay ng planong pagsasampa ng kaso laban sa ilang power suppliers na posibleng lumabag sa polisiya ng ahensya ukol sa pagsasagawa ng preventive maintenance.
Ayon kay NGCP Spokesperson Atty. Cynthia Alabanza, Abril pa lamang ay nag-abiso na sila dahil sa nakikita nilang pagnipis ng suplay ng kuryente nitong tag-init.
“Marami po ‘yong unplanned at unscheduled. ‘Yong nga po iyong sinasabi ko na kung natuloy lang po ‘yong schedule na napag-usapan ng power plants at ng NGCP, hindi po natin ito makikita,” ani Alabanza sa interview ng RMN Manila.
“Siguro po, maraming dahilan, maraming paliwanag, definitely, ang NGCP po, handa po kaming magbigay ng datos ukol dito,” dagdag niya.
Nakadagdag din aniya sa problema ang biglaang pagpalya ng ilang power plant kung saan isa lang dapat ang naka-schedule para sa maintenance.
Samantala, sabi ni Alabanza, marami silang interconnection projects pero nagkakaroon ng kaunting delay dahil sa pandemya.
“We have several interconnection projects in the pipeline at ongoing po iyan. Kasama po ‘yan sa mandato ni NGCP na ire-reconnect ‘yong mga island grids, meron po tayong Mindanao-Visayas interconnections,” saad niya.
“Ang problema lang po talaga is, like all projects, apektado po siya ng COVID, meron lang tayong delay ng konti pero kina-career po ‘yan ng NGCP.”