NGCP, nagbababala ng power interruption ngayong tag-init matapos i-deny ng ERC ang kanilang buwanang ancillary service agreements

Nagbabala ang National Grid Corporations of the Philippines o NGCP ng pagkakaroon ng power outages sa bansa.

Ito ay sa gitna ng pagtanggi ng Energy Regulatory Commission o ERC sa kahilingan ng NGCP na payagan ang interim ancillary services agreement.

Nangyari rin umano ito makaraang tapusin ng NGCP ang acceptance at opening ng bids para sa ancillary services noong March 14, 15, at 16, 2023 para sa Luzon, Visayas at Mindanao.


Ayon sa NGCP, posibleng maranasan ang intermittent power interruptions dahil sa hindi pinayagan ng ERC ang pagkakaroon ng month on month extension sa ancillary services agreements.

Paliwanag ng NGCP, marami sa ancillary services agreements ang nag-expire o napaso na ang kontrata kaya pumasok sila sa pagpapalawig ng mga kasalukuyang kasunduan upang matiyak ang sapat na serbisyo habang nagpapatuloy ang procurement process.

Subalit dahil sa regulatory process na ipinatutupad ng ERC, ang provisional approval ng mga bagong ancillary service procurement agreement mula sa competitive selection process ay posibleng mangyari pa sa June 2023.

Tali anila ang kanilang mga kamay dahil sa kawalan ng artificial na ancillary agreements upang suportahan ang transmission grid.

Mahalaga anila ang ancillary services upang mapangasiwaan ng maayos ang pagpapadaloy ng kuryente mula sa power generators patungo sa consumers at mapanatili ang matatag na operasyon.

Samantala, patuloy pa nating sinisikap na kunin ang panig ng ERC kaugnay sa usapin na ito.

Facebook Comments