Nagpaliwanag ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Senado patungkol sa kita ng korporasyon matapos na madismaya si Energy Committee Chairman Senator Raffy Tulfo sa napakalaking porsyento na napupunta sa dibidendo na pinaghahatian ng mga shareholder.
Sa pagdinig ng Senado, tinanong ni Tulfo ang NGCP kung magkano ang kita na napunta sa development at sa dibidendo noong 2019.
Tugon dito ni NGCP Asst. Corporate Secretary Atty. Ronald Dylan Concepcion, noong 2019 ay aabot sa P20.30 billion ang revenue ng korporasyon kung saan P15 billion dito ang napupunta sa dividends na pinaghati-hatian ng shareholders.
Giit ni Tulfo, lumalabas na 75 percent ng kita ng NGCP ay napupunta lamang sa mga shareholders at mas inuna pa ito sa halip na buhusan ng pondo ang mga development project.
Paliwanag naman ni Concepcion, nasa ₱39 billion ang capital outlay ng NGCP noong 2019 na siyang alokasyon para sa pagsasaayos ng kanilang mga proyekto.
Maging sa 2017, aabot sa P20.6 billion ang net income ng NGCP at P19 billion nito ang dibidendo pero ang kanila namang capital outlay para sa development ng mga pasilidad ay nasa P22.8 billion.
Mas lalo itong pinuna ni Tulfo dahil 99 percent ng kita noong 2017 ay napunta lang sa shareholders kaya hindi na rin aniya nakapagtataka na hindi matapos-tapos ng NGCP ang kanilang mga development projects at hanggang ngayon ay nakararanas ng power crisis ang maraming lugar sa bansa.
Nasita rin sa pagdinig ang NGCP kung saan noong 2014 ang net income nito ay nasa P22 billion lang pero ang dibidendo ng shareholders ay higit pa sa kita na aabot ng P24 billion.