NGOs, naghain din ng petisyon sa Korte Suprema kontra Anti-Terror Law

Dalawang panibagong mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law ang inihain ngayon sa Korte Suprema.

Isa sa mga naghain ang Alternative Law Groups (ALG) na isang coalition ng 18 Legal Resource NGOs.

Hiniling nila sa Korte Suprema na ideklarang “null and void” ang naturang batas dahil labag ito sa rights to due process, privacy, freedom of speech at iba pa.


Ang ikalawa namang petisyon ay inihain ng iba’t ibang obispo at clergy, religious at lay church leaders na mga miyembro ng tinatawag na “United in One Voice.”

Kabilang sa petitioners ay sina Bishops Broderick Pabillio at Gerardo Alminaza; Episcopalian Bishop Rex Reyes, Jr., UCCP Bishop Emergencio Padillio at NCCP General Secretary Bishop Reuel Marigza.

Ang kanilang Petition for Certiorari and Prohibition ay ang ika-18 petisyon kontra sa Anti-Terrorism Law.

Respondent dito si Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Bago naman ihain ang kanilang petisyon ay nagsagawa ng vigil ang mga grupo sa harap ng Korte Suprema upang igiit ang pagbasura sa Anti-Terrorism Law.

Bitbit nila ang mga banner kung saan nakasaad ang “Junk Terror Law.”

Anila, ang naturang batas ay nakakabahala at banta sa mga taong-simbahan at sa taongbayan.

Nakatakda ring maghain ng petisyon ang Gabriela.

Sa ngayon, labing-walong petisyon na ang nakahain sa Korte Suprema.

Facebook Comments