NHA, kinalampag ng isang senador dahil sa nakatenggang Yolanda housing projects

Manila, Philippines – Kinakalampag ngayon ni Senator Imee Marcos ang usad-pagong na pagtatayo ng National Housing Authority o NHA ng mga pabahay sa libu-libong survivors ng super typhoon Yolanda na humagupit sa bansa noong November 8, 2013.

Ayon kay Marcos, halos wala pa sa 50 porsyento ang isinasagawang rehabilitasyon sa Tacloban City, Leyte at Eastern Visayas sa nakalipas na anim na taon.

Base sa nakalap na NHA 2018 report ni Marcos, sa kabuuang 91,366 targeted housing units na ipamimigay sa mga pamilyang apektado ng bagyong Yolanda, ay umaabot pa lang sa 38,597 ang naitatayo.


Kaugnay nito ay isinusulong ni Marcos ang Senate Bill no. 1125 o ang panukalang National Resiliency and Disaster Management Authority Act of 2019.

Layunin nito na mapabilis ang pagbangon ng mga survivor ng pinakamalupit na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Ayon kay Marcos, ang nasabing ahensya ay tututok sa iba’t ibang phases ng kalamidad, tulad ng prevention and mitigation, preparedness, response, rehabilitation at recovery program sa ilalim ng isang master plan.

Facebook Comments