Manila, Philippines – Plano ng National Irrigation Administration (NIA) na gawing tourist destination ang ilang malalaking irrigation dams sa bansa.
Ayon kay NIA Administrator Ricardo Visaya, hihikayatin ng ahensiya ang mga Local Government Units at iba pang pribadong investors na maging partner sa paggamit ng NIA-owned dams bilang tourist destination.
Tinukoy ni Visaya ang Caliraya Dam sa Laguna na isang magandang halimbawa para sa planong tourist destination.
Ilan pa dito ang Bustos Dam sa Bulacan at Pantabangan Dam sa Nueva Ecija na magsisilbing pioneer tourist destinations na maaaring gawin din sa ibang lugar.
Sa ngayon, wala pang detalyadong pag-aaral sa usapin subalit tiwala ang ahensiya na makakapagbigay ito ng kasiyahan sa mga bisita lalo na kung maglalagay ng inland fishing, kayaks riding, bicycle riding, wall climbing, rapelling, zip lines at iba pang team building activities sa loob ng area.
Bukod sa karagdagang kita na malilikom ng gobyerno sa Ecotourism, naniniwala si Visaya na madagdagan pa ang kaalaman ng tao sa kahalagahan ng watershed at kung papano mapangalagaan ito sa hinaharap.