Dumepensa ang National Irrigation Administration (NIA) sa pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam na nagdulot ng malawakang pagbaha sa ilang lugar sa Northern Luzon.
Giit ni NIA Administrator Ricardo Visaya, kinakailangang magbukas ng gate ang dam matapos itong umabot sa spilling level bunsod ng mga nagdaang bagyo.
Aniya, ang lawak ng Magat Dam ay 4,800 hektarya at sakaling lumampas ito sa spilling level na 193 meters above sea level, masisira na ito at milyon-milyong tao ang maapektuhan.
Dagdag pa nito, may abiso mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagpapakawala ng tubig at una na rin silang nagbabala sa mga residente tungkol dito.
Samantala, pinag-aaralan na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagsasampa ng kaso sa pamunuan ng Magat Dam dahil sa perwisyong dinadala nito tuwing nagpapakawala ng tubig.
Kaugnay nito, inirekomenda ng mga alkalde na pangasiwaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam sa halip na ang NIA at PAGASA.
Paliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, ang NDRRMC ay isang ‘multi-agency’ at kayang makuha ang lahat ng data nang makapagsagawa na ng istratehiya tatlo hanggang apat na araw bago pa tumama ang bagyo o anumang kalamidad.