Cauayan City, Isabela- Patuloy sa pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga magsasaka ang National Irrigation Administration Magat River Integrated Irigation System (MARIIS) upang lalo pang makatulong sa pagpapatubig sa mga pananim ng mga magsasaka dito sa lalawigan ng Isabela.
Sa naging ugnayan ng RMN Cauayan kay ginoong Wilfredo Gloria, ang Department Manager ng NIA-MARIIS, aniya nasa labing pitong bayan at dalawang lungsod dito sa Isabela ang kanilang binibigyang serbisyo ng patubig at kabilang dito ay ang bayan ng Alicia, Angadanan, Cabatuan, Luna, Naguilian, Reina Mercedes, Ramon, San Isidro, Cordon, Echague, San Mateo, Aurora, Burgoz, Quirino, Gamu, Roxas, San Manuel at lungsod ng Cauayan at Santiago.
Dagdag pa rito, ngayong panahon ng tag-init ay patuloy din umano ang kanilang tanggapan sa pagpapaayos ng mga Irrigation Facilities upang mas maging kapaki-pakinabang pa ito sa mga magsasaka habang patuloy naman sila sa pagtuturo ng mga livelihood programs kung saan ay mas lalong makatutulong sa mga pag-angat ng kita ng mga magsasaka gaya ng paggawa ng Siomai, smoked fish processing, noodle making at meat processing.
Masaya ding ibinahagi ni Department Manager Gloria na aprubado na umano ang RA 10969 o ang batas na nagsasabing libre na ang patubig para sa mga magsasakang nasa walong ektarya pababa ang lawak ng kanilang lupa at tanging ang may mga nasa walong ektarya pataas nalang ang magbabayad ng Irrigation fee.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pag-imbak ng tubig ng MARIIS ngayon upang kung sakaling mangailangan ang mga magsasaka ay may sapat ng tubig na maibibigay para sa kanilang mga pananim.