NIA, pag-aaralan muli ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam; planong pagpapalawak sa Cagayan River, pinag-aaralan na rin

Pag-aaralan muli ng National Irrigation Administration (NIA) ang kanilang protocols kaugnay sa pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam na itinuturong dahilan ng malawakang pagbaha sa ilang lugar sa Region 2.

Ayon kay NIA Dam and Reservoir Division Manager Engineer Eduardo Ramos, nakasaad sa kanilang protocol na dalawa hanggang tatlong araw bago ang bagyo, maaari na sila magpakawala ng tubig.

Inamin din nito na nakadagdag ang pagpapakawala nila ng tubig sa nangyaring pagbaha pero iginiit na nag-abiso sila sa publiko bago pa man manalasa ang Bagyong Ulysses.


Matatandaang una nang sinabi ng local government ng Cagayan na pinag-aaralan nila ang pagsasampa ng kaso sa pamunuan ng Magat Dam.

Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na sisikapin nilang magsagawa ng imbestigasyon pero mukhang mahihirapan ang Palasyo na panagutin ang mga operator ng dam.

Maliban kasi sa Magat Dam, ang illegal logging at illegal mining ang iba pang tinitingnang pangunahing sanhi ng malawakang pagbaha sa naturang rehiyon.

Samantala, inirekomenda naman ng ilang geologist na palawakin ang Cagayan River partikular sa lugar bayan ng Alcala.

Paliwanag ni PAGASA Hydrologist Oyie Pagulayan, bukas ang ahensya sa lahat ng rekomendasyon para mas mapabuti pa nila ang kanilang serbisyo.

Facebook Comments