Pinangunahan ni Monsignor Hernando Coronel ang pagdaraos ng Holy Mass for Justice and Peace sa Minor Basilica of the Black Nazarene o sa simbahan ng Quiapo sa Maynila.
Binasa ni Monsignor Coronel sa misa ang written homily ni Manila Auxiliar Bishop Broderick Pabillo na naka-isolate ngayon matapos magpositibo sa COVID-19 noong nakalipas na linggo.
Sa apat na pahinang homiliya ni Bishop Pabillo, binanggit nito ang pagdarasal sa mga misa sa Archdiocese ng Maynila para sa pag-iral ng katarungan at kapayapaan.
Ayon kay Bishop, ang sentro ng mensahe ng pagiging kristiyano ay pagmamahal at hindi ito ang panahon ng pambabatikos o pambobola sa taong-bayan.
Nais anyang malaman ng publiko ang tunay na sitwasyon ng bansa, kung nasaan na ang laban kontra COVID-19.
Gayundin kung ano ang tunay na sitwasyon ng mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.
Hinamon din ni Bishop Pabillo ang taong-bayan na suriing mabuti ang statement ng mga opisyal ng gobyerno.
Nilinaw rin ng obispo na ang mga pagpuna ng simbahang katoliko sa gobyerno ay pagpapakita lamang ng pagmamahal sa bayan.
Dumalo rin sa misa sina Senator Risa Hontiveros, dating Education Sec. Armin Luistro, singer Bayang Barrios at labor leaders Rene Magtubo at Atty. Sonny Matula.