Nilinaw ng kampo ni dating Senador Bong Revilla Jr. na hindi ito kasama sa mga inatasan ng Sandiganbayan na magsauli ng P124 milyong halaga ng civil liabilities matapos na mapawalang-sala sa plunder case.
Ayon kay Atty. Ramon Esguerra, abugado ni Revilla, malinaw sa utos ng First Division ng Anti-Graft Court na tanging ang mga nahatulang “guilty” na sina Janet Lim Napoles at dating legislative staff ni Revilla na si Richard Cambe, ang inaatasan ng korte.
Aniya, hindi maaaring pagbayarin si Revilla dahil inabsuwelto siya ng mga mahistrado sa kasong ibinibintang sa kaniya.
Matatandaang ipawalang sala si Revilla sa alegasyon na tumanggap ng P224.5 milyong kickback sa pagpapadaan ng kaniyang priority development assistance funds o pork barrel sa mga umano ay bogus foundations ni Napoles.
Gayunman, “guilty” ang hatol kina Napoles at Cambe at inutusan ng korte na magsauli ng P124 milyon.