Hindi sinadyang itaon ang capability demonstration ng bagong missile System ng Philippine Navy ngayong araw na ito sa pagbisita ni Chinese President Xi Jin Ping sa bansa.
Nilinaw ito ni Philippine Navy Spokesperson Commander Jonathan Zata, kasabay ng pahayag na hindi makakadalo sa demostrasyon ang Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Zata tatlong ulit nang ni-re-schedule ang naturang ehersisyo at hindi na maaring ipagpaliban pa dahil hindi basta basta ang preparasyon na kailangan sa demonstrasyon.
Ayon kay Zata, si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kakatawan sa Pangulo sa gagawing demonstration ng Rafael Spike ER missile system na idineliver ng Israel sa Philippine Navy noong unang quarter ng taong kasalukuyan.
Sa demonstrasyon, na gagawin sa karagatan ng Limay Bataan ngayong umaga, patatamaan ang isang target gamit ang naturang surface to surface missiles na naka-mount sa Multi-purpose Attack Craft (MPAC).
Ayon kay Zata, kasabay ding ide-demonstrate ang automatic machine guns na nakakabit din sa MPAC, pati na rin ang bagong biling 2.75 rockets na nakakabit naman sa Augusta AW109 helicopters.
Ipinagmalaki ni Zata na hindi lang simpleng test firing ang gagawin, kundi pagpapakita ng mga bagong kapabilidad ng Philippine Navy, gamit ang kanilang mga bagong armas.