Manila, Philippines – Nilinaw ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na tuloy pa rin ang itinakdang dagdag-sahod para sa government employees, sibilyan at militar anuman ang magiging resulta ng pagdinig sa 2019 national budget.
Ayon kay Andaya, sa January 15 ay ibibigay na ang umento sa kanilang suweldo kahit pa magkaroon ng delay sa pagpirma sa pambansang budget.
Dagdag pa ng kongresista, fake news ang mga kumakalat na impormasyong nakadepende sa approval ng general appropriations act ang salary increase ng mga kawani ng pamahalaan.
Magkahiwalay na batas rin umano ang nag-ootorisa sa general appropriations act at sa pay hike kaya walang magiging epekto ang timetable.
Kabuuang 121.7 billion pesos ang gagastusin para sa salary adjustments sa susunod na taon kung saan 51.7 billion pesos mula rito ay para sa huling tranche ng salary standardization law iv sa civilian employees.
70 billion pesos naman ang ilalaan sa second installment ng batas na nagtataas sa base pay ng mga sundalo, pulis, jail at fire officers at coast guards.