Manila, Philippines – Nilinaw ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na hindi nagkakaunawaan lamang sa pagitan ng mga kawani ng media at BOC opisyal kaugnay sa kanilang ipinalabas na direktiba na kailangang sumulat muna bago kapanayamin.
Ayon kay Customs Spokesperson Atty. Erastus Bino Austria, napag-usapan sa ginawang pagpupulong sa collector’s room sa pagitan ng media at mga opisyal ng BOC na balik sa dati na at hindi na kailangan ng sulat.
Matatandaan na nitong Martes, umani ng mga batikos mula sa iba’t-ibang media entities makaraang maglabas ng bagong polisiya ang BOC hinggil sa media coverage.
Nakasaad kasi sa abiso ng Customs Public Information and Assistance Division na kailangan munang magpadala ng liham ang news agency kay Customs Commissioner Leonardo Guerrero limang araw bago ang gagawing interview.
Ito ay upang maiwasan ang mga informal at ambush interview.
Giit ni Austria na maari siyang tawagan ng mga media kapag may mga agarang katanungan.