Manila, Philippines – Nilinaw ng Malacañang na tuloy ang localized peace talks, tanggapin man o hindi ng mga lider ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas alam ng mga frontliner ng New People’s Army (NPA) ang kanilang mga pangangailangan kumpara sa mga lider ng komunistang grupo na matagal nang wala sa bansa.
Aniya, iba ang pananaw ng mga combatants kumpara sa grupo ni Jose Maria Sison na nagpapasarap lamang sa Europa.
Nauna nang sinabi ni Sison na walang mangyayari sa anumang negosasyon sa kanilang grupo hangga’t si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaupo sa Malacañang.
Noong June 28 sana muling itutuloy ang peace talks pero pinahinto ito ng Pangulo dahil kailangan pa raw niyang konsultahin ang sambayanan kung dapat pa ba o hindi na kausapin ang mga komunista.
Kasabay nito ay iniutos na rin ng Pangulo ang muling pag-aresto sa ilang mga negosyador ng CPP-NPA dahil temporary lamang ang safe conduct pass na ibinigay sa kanila ng gobyerno.