Manila, Philippines – Nilinaw ng Palasyo ng Malacañang na walang kinalaman ang isasagawang Joint Command Conference ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa naisiwalat na Red October ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, isang beses isang buwan isinasagawa ang nasabing Command Conference at wala namang bago dito dahil regular itong ipinapatawag ng Pangulo kaya wala itong kinalaman sa mga plano ng rebeldeng CPP-NPA-NDF na patalsikin ang Pangulo.
Binigyang diin din ni Roque na hindi kailangang magsagawa ng loyalty check si Pangulong Duterte sa hanay ng AFP at sa PNP, dahil malinaw naman na buo ang suporta ng mga ito sa Pangulo at buo din ang suporta ng mamamayan kay Pangulong Duterte.
Bukod sa Joint Command Conference ay magkakaroon ng makakaharap naman ni Pangulong Duterte sa isang Dinner ang Philippine Military Academy o PMA Alumni Association na gagawin din dito sa Malacañang.