Manila Philippines – Hindi namagitan o nangialam si Special Assistant to the President and Chief of the Presidential Management Staff Secretary Bong Go sa pagbili ng Philippine Navy Frigates.
Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa harap na rin ng mga lumalabas na impormasyon sa pamamagitan ng umano’y isang dokumento na nag-iindorso si Bong Go kay Secretary Lorenzana ng supplier para pagkuhaan ng mga bibilhing kagamitang pandigma na ang pondo ay aabot sa 15.5 bilyong piso.
Paliwanag ni Secretary Lorenzana, maaring iniisip o hinala lamang ng mga naglabas ng impormasyon na galing mismo kay Sec Bong Go ang lumabas na dokumento.
Sa katunayan aniya ang dokumento na tinutukoy sa kumakalat na balita ay mula sa Hanwha isa sa mga proponents ng Combat Management System ng Philippine Navy para sa pagbili ng Philippine Navy Frigates.
Sinabi ni Secretary Lorenzana pinadala nya ang dokumentong ito kay Flag-Officer-In-Command of the Philippine Navy para gawan ng aksyon.
Hanggang sa napunta ito kay Commodore Robert Empedrad, Chairperson of the Frigate Project Management Team na nagsulat ng sagot sa nakalagay sa dokumento mula sa hanwha at inilagay ang mga terms and condition sa kontrata.
Sinabi pa ni Lorenzana na may mahigpit na panununtunang sinusunod ang Philippine Navy sa pagbibili ng anumang kagamitan.