Manila, Philippines – Dumistansiya ang Palasyo ng Malacañang sa naging pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa pagkakaaresto sa grupo nila dating Congressman Satur Ocampo.
Matatandaan na inakusahan ng human trafficking sina Ocampo at Alliance of Concerned Teachers (ACT) Representative Franz Castro matapos mahuling mayroong mga kasamang mga menor de edad sa kanilang mga sasakyan na walang paalam mula sa mga magulang ng mga ito.
Ipinahayag naman ni Locsin sa kanyang tweet ang kanyang pagkontra sa isinampang kaso laban sa grupo nila Ocampo.
Ayon pa kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, alam nilang nakasama ni Locsin si Ocampo noon sa Kamara pero hindi aniya ito dapat maging batayan para maging konklusyon na inosente ang dating mambabatas sa kinakaharap nitong kaso.
Sinabi naman ni Panelo na personal na opinyon ito ni Locsin at hindi nito kinakatawan ang pananaw ng buong administrasyon.
Sa ngayon, aniya ay nananatiling inosente sila Ocampo hanggang hindi ito napatutunayan sa korte na base na rin sa saligang batas.
Umapela naman ang Malacañang sa lahat na hayaan nalang umandar ang kasong ito sa korte bago maglabas ng anumang pahayag.