Iginiit ni Senator Leila de Lima ang tuluyang pagbasura sa isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na hindi pa nababakunahan kontra COVID-19.
Diin ni De Lima, dapat kondenahin ang nabanggit na polisiya dahil hindi katanggap-tanggap, labag sa batas, hindi makatao at walang batayan.
Hamon pa ni De Lima sa DILG, maglabas ng patunay na mataas ang infection rate sa hanay ng mga benepisaryo ng 4Ps gayundin ang patunay na ayaw talaga nilang magpabakuna.
Naniniwala rin si De Lima na bigo ang gobyerno na ipaintindi sa mga maralitang sakop ng 4Ps ang kahalaganan ng pagbabakuna at marahil karamihan sa kanila ay wala ring access sa COVID-19 vaccine.
Hinanakit ni De Lima, bakit mamamayan na naman ang paparusahan sa kapalpakan sa COVID response ng pamahalan at tatakutin pa na babawiin ang tanging pantawid nila sa gitna ng pandemya.
Ayon kay De Lima, ang mga benepisyo ng 4Ps ay hindi utang na loob ng mamamayan sa gobyerno, binibigay yan dahil obligasyon at nararapat kaya hindi dapat basta na lang bawiin batay lang sa kapritso ng mga nasa kapangyarihan.