Ninakaw na abo ng binata, naibalik matapos ang ’emosyonal’ na tawag mula sa tumangay

Naisauli sa isang turista ang urnang naglalaman ng abo ng kanyang anak na lalaki matapos itong nakawin mula sa nirentahang sasakyan sa Cyprus.

Nagbabakasyon si Kinga Bednarz kasama ang pamilya sa Paralimni nang mangyari ang insidente noong nakaraang linggo, ayon sa ulat ng Fox News.

Mula sa Sweden ang pamilya na bumiyahe sa lugar upang isaboy ang labi ng pumanaw na 19-anyos anak sa Mediterranean Sea.


Ayon sa Associated Press, pinasok ng mga kawatan ang sasakyang nakaparada sa Governor’s Beach at tinangay ang tatlong suitcase, isa rito ay kinalalagyan ng urna.

Nangyari ang pagnanakaw makalipas lang ang 20 minuto mula nang iwan ng pamilya ang sasakyan.

Ipinaalam ng mga Bednarz ang nangyari sa pulisya pati na rin sa media upang ipanawagan ang pagsasauli ng abo ng namayapang kaanak.

Nang makabalik na sa Sweden, sinabi ni Bernarz na nakatanggap siya ng tawag mula sa hindi nagpakilalang lalaki na humihingi ng tawad at nagturo ng kinaroroonan ng urna.

Sinabi rin ng lalaki sa usapang naging emosyonal umano na wala siyang pinaplanong masama sa pamilya.

Lumipad pabalik sa Cyprus ang mag-asawang Bednarz at nakipagtulungan sa pulisya sa pagrekober ng mga labi.

Tatlong Cypriot national ang naaresto ng pulisya na may kinalaman sa insidente — dalawang lalaking edad 33, 43 at isang babaeng may edad 34.

Hindi naman na naibalik ang iba pang nanakaw na gamit kabilang ang perang $224.

Facebook Comments