NLEX Corporation, aminadong depektibo ang ilang RFID stickers; MPTC, kinumpirmang nagpaliwanag na sa alkalde ng Valenzuela

Inamin ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation na depektibo ang ilan sa kanilang Radio-Frequency Identification (RFID) stickers.

Ayon kay NLEX Corp. Senior Vice President Romulo Quimbo Jr., nasa dalawang porsyento sa mga stickers ay sira, mali at hindi gumagana.

Aniya, madali naman nilang na-identify ang may-ari ng mga depektibong stickers at agad itong pinalitan.


Ang mga depektibong stickers aniya ang dahilan kung bakit nagkaroon ng problema sa kanilang sistema na nagdulot ng matinding usad ng trapiko.

Samantala, kinumpirma ng Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na nagpaliwanag na sila kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian tungkol sa nangyaring aberya sa cashless transactions scheme sa NLEX.

Sa ipinadalang liham, humingi ang MPTC ng pang-unawa sa alkade para sa abalang kanilang naidulot.

Nakapaloob din dito ang panukala at plano para maresolba ang naging problema sakaling bigyan ulit sila ng panahon para maipatupad ito.

Bukas din ang MPTC sa pakikipag-usap sa alkade at sa iba pang opisyal ng Valenzuela para bigyang solusyon ang problema ng trapiko sa lungsod.

Facebook Comments