Mamimigay na ngayong araw ng vaccination card ang lokal na pamahalaan ng Navotas para sa mga nabakunahan na kontra COVID-19.
Ang vaccination card ay maglalaman ng pangalan, address, birthday at contact ng nabakunahan gayundin ang impormasyon kung anong bakuna ang itinurok, kailan nabakunahan at sino ang vaccinator.
Matatandaang dati ay ayaw ng lungsod na mag-isyu ng vaccination ID dahil sa pangambang mapeke ito.
Ngunit nagbago ito matapos makalikha ang Information and Communications Technology Department ng Lungsod ng sistema na mapo-protektahan ang COVID-19 registration database ng Navotas City.
Ibinida ni Mayor Toby Tiangco ang covax.navotas.gov.ph kung saan hindi na lang appointment ang maaaring gawin kundi mayroon na ring vaccination verification at pwede pang lumikha ng QR code.
Ipinaliwanag ni Tiangco na hindi mapepeke ang impormasyong nakapaloob dito dahil kahit kopyahin pa ang QR code ay ang mukha pa rin ng totoong may-ari nito ang lalabas o makikita.