Sa kabila ng matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Uwan, ipinagpasalamat ng mga opisyal ng lungsod na walang naitalang nasawi o sugatan sa San Carlos, ayon sa opisyal na ulat ng lokal na pamahalaan.
Batay sa inisyal na Rapid Damage Assessment na isinagawa ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) katuwang ang mga national line agencies at barangay officials, malawak ang naging epekto ng bagyo sa imprastraktura, agrikultura, at kabuhayan ng mga residente.
Pinakamalaking hamon ang dala ng malalakas na hangin na nagpabagsak sa mga puno at kawayan, na siya namang naging dahilan ng kawalan ng kuryente sa lahat ng 86 barangay ng lungsod.
Bukod sa sektor ng enerhiya, matinding pinsala rin ang tinamo ng agrikultura at livestock industry ng San Carlos. Maraming taniman ng palay, mais, at gulay ang natumba, habang ilan sa mga alagang hayop ng mga magsasaka ay nasawi o nawalan ng tirahan. Tinatayang daan-daang ektarya ng lupang sakahan ang naapektuhan, ayon sa paunang pagtataya ng City Agriculture Office.
Nagpahayag din ang LGU San Carlos na magsasagawa pa ng mas masinsinang inspeksyon sa mga susunod na araw upang makalap ang kumpletong datos sa lawak ng pinsala. Ang mga impormasyong ito ay magsisilbing batayan sa pagbalangkas ng mga programang pang-rehabilitasyon at tulong-pinansyal para sa mga labis na naapektuhan ng Bagyong Uwan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), si Bagyong Uwan ay nagdala ng hangin na may bilis na hanggang 120 kilometro kada oras, dahilan upang maraming lugar sa Pangasinan at karatig-lalawigan ang makaranas ng pagbagsak ng mga punongkahoy at malawakang pagkawala ng kuryente.
Sa kabila nito, nananatiling matatag ang mga San Carleñan.









