Manila, Philippines – Ayaw pang magkomento ng Malacañang kung bakit hindi nakaboto si Pangulong Rodrigo Duterte sa kauna-unahang barangay elections sa loob ng kanyang termino.
Nabatid na hinintay pa ng mga election teller si Pangulong Duterte hanggang alas-3:00 ng hapon pero hindi ito dumating sa kanyang presinto sa Daniel Aguinaldo National High School.
At tanging kumpirmasyon na hindi bumoto si Pangulong Duterte ang ipinarating ni Special Assistant to the President Bong Go sa Malacañang Press Corps.
Maging ang tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Secretary Harry Roque ay wala pang paliwanag sa hindi pagboto ng Pangulo.
Matatandaang bago ang eleksyon ay ilang beses narinig kay Pangulong Duterte na kung siya ang masusunod ay ayaw niya munang matuloy ang barangay elections dahil gagamitin ito ng mga nakaupong barangay official na sangkot sa illegal drug trade ang drug money sa pangangampanya.